Speech of President Aquino at the 2015 TAYO Awarding Ceremony
Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa paggawad ng Ten Accomplished Youth Organizations para sa 2015
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa paggawad ng Ten Accomplished Youth Organizations para sa 2015
Ganda ho ng umpisa nitong araw na ito. Can I thank the St. Paul’s High School Choir Pasig? Your voices were really very clear. [Palakpakan] It was really a pleasant way to start the day.
Parang kanina lang ho tinitingnan ko, lalo na itong mga awardees, pati iyong finalists, ang babata n’yo. Ang tanong yata doon, ang tatanda na ba namin? [Tawanan] Huwag kayo masyadong tatawa, Perci at saka Earl. Kasama na rin kayo sa seniors ngayon. [Tawanan] Parang kahapon lamang kayo ang youth. Sabi ni Maria, papunta na kayo sa “ga-youth.” [Tawanan].
Anyway, mga kasamahan:
Halos tatlong dekada na nga ang lumipas mula nang magwakas ang diktadurya, ngunit marahil, sariwa pa sa ating kababayan ang alaala ng Batas Militar. Gaya ng marami, saksi ako sa pagmamalupit ng makapangyarihang diktador, at sa idinulot niyang pagdurusa sa ating mga kababayan. Nang ideklara ang Batas Militar, talagang bumaligtad po ang aming mundo. Dahil sa pagiging kritikal niya kay Ginoong Marcos, ipiniit ang aking ama; kinulong siya nang pitong taon at pitong buwan, at napilitan kaming mangibang-bayan. Nang magpasya namang umuwi ang aking ama upang manawagan ng pagbabago sa pamahalaan, ay walang habas pa siyang pinaslang. Sa sinapit na ito ng aking ama at ng aming pamilya, ang tanong na bumabalot noon sa isip ko: Ano pa kayang kinabukasan ang maaari naming asahan? Sa mga panahong iyon, hindi ko maiwasang isiping hahantong ang lahat sa madugong himagsikan.
Subalit sa gabay ng Panginoon at malasakit sa kapwa, nagawa ng sambayanang Pilipinong gawin ang imposible. Buong mundo ang humanga nang milyon-milyon nating kababayan ang nagtipon upang pangunahan ang mapayapang rebolusyon sa EDSA. Nakuha nilang malampasan ang takot at kaba upang magpunta sa EDSA. Nagtungo sila roon nang walang dalang armas; ang tangi nilang sandata ay ang panalangin at hangaring manumbalik ang demokrasya. Di nila inalintana ang panganib sa kanilang buhay; isinantabi nila ang agam-agam na baka mabaril sila o makanyon. Ang iniisip na lamang nila: Kung mananatili ang mapaniil na diktadurya, anong klaseng bukas kaya ang naghihintay sa aming mga mahal sa buhay? Matapos nga ang apat na araw ng sama-samang panawagan ng pagbabago, matagumpay na napatalsik ang diktador, at muli namang nabawi ang ating demokrasya.
Interes ng mas nakakarami, kalayaan mula sa baluktot na kalakaran, magandang kinabukasan para sa susunod na henerasyon: ang mga ito ang isinaalang-alang ng mga nakipaglaban sa EDSA noong taong 1986. At bilang pinuno ng ating bansa, ang ganitong diwa ng EDSA ang ating isinasabuhay sa pagharap sa mga hamon ng ating panahon. Sa aking panunungkulan, marami tayong pagsubok na pinagdaanan at pinagdadaanan. Isang halimbawa nito ang tensiyong namagitan sa North at South Korea noong 2010 kung saan maaaring maipit sa hidwaan ang 50,000 nating mga kababayan. Nariyan din ang sigalot na dulot ng Arab Spring noong 2011. Bukod sa kaguluhan sa ibang bansa, nariyan din ang pagsisikap nating mapigilan ang paglaganap ng mga sakit tulad ng Ebola at MERS-Coronavirus sa bansa. Kung matatandaan rin ninyo, patong-patong na pagsubok ang ating hinarap noong 2013: lindol sa Cebu at Bohol, krisis sa Zamboanga, at ang paghagupit ng bagyong Yolanda. Kamakailan lang, humarap muli ang sambayanan sa panibagong pagsubok bunsod ng insidente sa Mamasapano.
Bilang Pangulo, ginagawa ko ang lahat, upang harapin at tugunan ang mga suliranin ng bansa. Madalas, binabalewala na lang natin ang pagod at puyat. Hindi ako puwedeng magpadala sa bugso ng aking emosyon dahil baka mapalala ko pa ang problema. Sa bawat pagkakataon, kailangan kong maging mahinahon, at laging balikan kung para saan natin ginagawa ang lahat ng ating pagsisikap. Ito nga ang tangi nating hangad: Ang hindi na maulit pa ang kamalian ng nakaraan, at maipamana sa susunod na salinlahi ang di-hamak na mas maunlad at magandang Pilipinas kaysa ating dinatnan.
Simula pa lang, batid kong hindi ko kakayanin ang lahat nang mag-isa. Sa nakalipas na mahigit apat at kalahating taon ng ating pamamahala, pinatunayan nating kapag mas marami tayong kumikilos, mas mabilis nating nakakamit ang ating hangarin. Dito ko nga naalala ang kaisipang ibinahagi sa akin: Kapag daw ang dunong ng mas nakakatanda at ang lakas ng kabataan ay nagsanib, talagang malayo ang ating mararating.
Sa ganitong konteksto pumapasok ang halaga ng pagtitipon natin ngayon, sa pagbibigay parangal sa Ten Accomplished Youth Organizations ng bansa. Sa pangunguna ng National Youth Commission, TAYO Awards Foundation, EDSA People Power Commission, Coca-Cola Foundation, gayundin sa pakikipagtulungan ng aking kuya, si Bam Aquino [tawanan], kinikilala ang ambag ng kabataan sa pagtugon sa suliranin ng lipunan. Kasama ang sambayanan, nagpapasalamat ako sa dedikasyon at pagsisikap ninyong ipagpatuloy ang inyong makabuluhang mga adbokasiya.
Binabati po natin ang mga nagwaging organisasyon sa araw na ito: Sa Phi Lambda Delta Sorority sa programang niyong Milk Matters upang itaguyod ang breastfeeding para sa mabuting kalusugan ng mga sanggol [palakpakan]; sa Kanlungan Pilipinas Movement, na pinapaunlad ang kaalaman ng mga naninirahan sa liblib na lugar gamit ang teknolohiyang pinatatakbo ng solar power system [palakpakan]; sa Rescue Assistance Peacekeeping Intelligence Detail, RAPID, at Cauayan City National High School – Red Cross Youth and Junior Rescue Team, na sinasanay ang ating kabataan kung paanong makatulong sa pagtugon sa panahon ng sakuna at sa oras ng pangangailangan; sa Katipunan ng mga Kabataang Santiagueňo sa paggamit ng mga agricultural waste upang gawing uling at maging katuwang sa kabuhayan ng komunidad; sa ACCESS-PYLP Alumni Association, na nagkakaloob ng kasanayan sa kabuhayan ng ating youth combatants sa Basilan, Sulu, at Zamboanga; sa Move This World-Pilipinas, sa pagsisikap ninyong tugunan ang isyu ng bullying sa mga paaralan; sa Youth for Environment in School Organization, sa pangunguna ninyo sa Mangrove Reforestation Program sa inyong pamayanan; sa Indigenous Youth Servant Leaders Association of the Philippines para sa pagtataguyod ng kapakanan ng ating indigenous people sa lalawigan ng Isabela at gayundin sa University of San Agustin Little Theater para sa serye ng produksiyon sa teatro at sa inyong pagkamalikhain upang bigyang lakas at inspirasyon ang mga nasalanta ng bagyong Yolanda.
Siyempre, nagpapasalamat din tayo sa iba pa nating finalists. Pinangunahan din ninyo ang programang naghahatid ng agarang benepisyo sa napakaraming Pilipino. Mula sa pagkakaloob ng kabuhayan at dekalidad na edukasyon para sa mga katutubo at kapos-palad nating kababayan, paglinang sa kaalaman sa modernong kagamitan, pagsusulong ng musikang Pilipino, pagpapabuti ng supply ng kuryente, at pag-aruga sa kalusugan, hanggang sa pangangalaga sa kalikasan; nakikibahagi kayo sa solusyon imbes na dumagdag sa problema. Gayundin, nagsisilbi kayong huwaran sa mga kapwa ninyo kabataan, upang maengganyo silang makilahok sa pagtataguyod ng kapakanan ng kapwa’t bansa. Saludo din ako sa marami pang mga organisasyong nakilahok at patuloy na nakikilahok sa TAYO Awards.
Makakaasa naman kayo: Sa gumagandang estado ng ating ekonomiya, pinapalawak natin ang mga pagkakataon para sa kabataan lalo pa’t kayo ang mga susunod nating propesyonal at lingkod-bayan. Isang halimbawa nito ang Conditional Cash Transfer for High School Expansion program. Sa pamamagitan ng programang ito, sinusuportahan na ng estado ang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya hanggang umabot siya sa 18 taong gulang. Sa kasalukuyan, 1.2 milyong estudyante mula 15 hanggang 18 taong gulang ang tinutulungan nating makatapos na ng high school. Ano nga ba’ng maidudulot nitong benepisyo? Batay sa pag-aaral po ng Philippine Institute for Development Studies, 40 percent ang dagdag na sinasahod ng high school graduate, kumpara sa umabot lang ng grade school. Ibig sabihin, dahil sa mas pinalawak na benepisyo ng Pantawid Pamilya, mas lalawak din ang pagkakataon para sa nakakaraming kabataan.
Tuloy-tuloy naman ang pag-arangkada sa bilang ang scholars nating napapagkalooban ng kabuhayan ng TESDA. Tingnan natin ang kanilang Training for Work Scholarship Program: Mula Hulyo 2010 hanggang Disyembre 2014, nasa 774,532 na ang graduates ng TWSP. Kasama na sa good news na ating natatanggap ang resulta ng training ng TESDA at Semiconductor and Electronics Industries in the Philippines. Ang employment rate ng graduates dito mula Abril hanggang Setyembre 2014: halos 96 percent. Konting tulak na lang ay maaabot na ang 100 percent na full employment. [Palakpakan]
Ginagawa natin ang lahat ng ito upang iangat ang antas ng pamumuhay ng ating mga kababayan, lalo na ang mga naghihikahos sa buhay. Sinasagad natin ang pagkakataon upang bigyan sila ng kakayahang tulungan ang mga sariling umasenso. Nasa iisang bubong lang tayo; ang problema ng isa ay problema po ng lahat.
Tandaan ninyo: Kayong kabataan—gusto ko sanang sabihin “tayong kabataan” [tawanan]—ang magmamana sa anumang bunga ng ating pagsisikap. Mas mahaba pa ang itatagal ninyo sa mundo kumpara sa aming medyo nakakatanda. Kung negatibismo at pag-una sa sarili ang mangingibabaw ngayon, mas matagal kayong magtitiis sa pagdurusang dulot nito. Kung gagawin natin ang tama, mas matagal naman ninyong matatamasa ang positibo nitong bunga. Sa tuwid na daan, hindi natin hahayaang danasin ninyo ang parehong problemang hinarap namin at hinaharap natin sa kasalukuyan. Patuloy ang pagsisikap nating madagdagan ang mga batang may hawak na lapis at papel, at mabawasan ang mga may tangan ng basahan sa kalsada para magpunas ng windshield ng mga sasakyan. Hindi tayo titigil sa pagbibigay ng wastong kasanayan sa kabataan, upang hindi kayo mauwi sa pagbebenta ng sampaguita at paglilimos. Magbubukas tayo ng marami pang oportunidad upang imbes na malulong sa bisyo ay tunay kayong maging pag-asa ng bayan.
Tunay ngang malayo na ang ating narating dahil pinili nating gawin ang nararapat, at unahin ang interes ng mas nakakarami. Sa kabila nito, alam nating marami pa tayong pagsubok na haharapin. Ngunit ngayon pa ba tayo susuko kung kailan ang mga dating inaambisyon lang, naisasakatuparan na natin? Ngayon pa ba tayo aatras kung kailan mas marami na tayong nakikilahok tungo sa malawakang kaunlaran?
Ang hamon ng ating panahon: Ituloy ang pagbabagong atin nang tinatamasa. Paigtingin pa natin ang pagkakapit-bisig, at patibayin ang pundasyon ng isinusulong nating Pilipinas; isang bansa kung saan ang bawat isa ay may kakayahang tuparin ang inaasam niyang kinabukasan.
Magandang araw po sa inyong lahat. Maraming salamat po.
No comments: