Pinakamalaking Mall Itatayo Sa PARAÑAQUE
Nakatakdang magtayo ang Ayala Land, Inc. ng isang mall, BPO center at hotel sa Aseana City Complex sa Lungsod ng Parañaque. Ang nasabing mall ay inaasahang higit na malaki pa sa SM Mall of Asia na nasa kalapit na Lungsod ng Pasay.
Ang nasabing korporasyon ay nag-file ng application for locational clearance noong nakaraang linggo sa Local Zoning Board of Adjustments and Appeals na agad namang naaprubahan.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez, ang desisyon ng Ayala Land na mamuhunan dito ay pagpapakita ng kumpiyansa sa malaki at magandang potensyal ng negosyo sa siyudad. Dahil dito, inaasahang lalo pang sisigla ang industriya ng turismo at ekonomiya ng lungsod, tunay sa karangalang iginawad noong nakaraaang taon ng National Competitive Council sa Lungsod ng Parañaque bilang “Most Competitive City, Economic Dynamism Category”.
“Ito ay isang pagpapatunay sa pagsulong ng lungsod bilang “New Economic and Business Hub”. Malugod at buong pasasalamat nating tinatanggap ang “investment” ng Ayala Land na makalilikha ng 10000 trabaho para sa mga Parañaqueños at lalo pang makapagpapalakas sa ekonomiya ng lungsod at ng bansa”, pahayag ni Mayor Olivarez.
Sinabi ni Ayala Land Commercial Business Group Head Jose Emmanuel Jalandoni na ang nasabing proyekto ay itatayo sa 9.2 ektaryang lupa. Ang konstruksyon ay sisimulan ngayong taon at inaasahang matatapos sa taong 2018. Ito ay gugugulan ng 12 bilyong piso.
Ang pagpasok ng Ayala Group sa Parañaque City ay lalo pang makakaakit sa iba pang imbestor dahil sa pagkakasama-sama sa Entertainment City ng mga pinakamalaking property developers sa bansa kabilang ang City of Dreams ng SM Group at Melco Crown Group of Macau at Solaire Resorts and Casino ni G. Enrique Razon.
Ang iba pang malalaking pangalang madaragdag dito ay ang Bayshore City Resorts World ng Travellers International Group ng Alliance Global Group Inc, ni G. Andrew Tan at Genting Group of Malaysia at ang Manila Bay Resorts ni G. Kazuo Okada.
No comments: