Taguig Police no. 1 sa anti-illegal drugs operation sa SPD
Nanguna ang Taguig Police Station sa Southern Police District (SPD) sa bilang ng mga naarestong tulak ng droga mula June 1 hanggang July 6, 2016.
Ang mahusay na performance ng Taguig ay magandang salubong sa kauupong presidente ng bansa na si Pangulong Rodrigo Duterte na nauna nang nagdeklara ng all-out war laban sa ipinagbabawal na gamot at sa lahat ng mga sindikato ng droga sa bansa.
Ibinunyag ni Sr. Superintendent Allen Ocden, officer-in-charge ng Taguig City Police na ang kanyang mga tauhan ay nakahuli ng 117 suspek sa droga at nakakumpiska ng mahigit 26 na gramo ng shabu, 8 gramo ng marijuana, at sari-saring drug paraphernalia sa loob ng isang buwan.
Ang naitalang bilang ng mga naarestong tulak ng droga ng Taguig ay mas mataas kung ikukumpara sa mga kalapit na lungsod: Pasay City, 54, Makati, 42, Paranaque, 26, Las Pinas, 40, Muntinlupa 49, at Pateros, 14, at ang SPD headquarters,10.
Ang mga nadakip na suspek ay sinampahan ng reklamong illegal drug trafficking.
Ang accomplishment ng Taguig PNP ay bahagi ng malawakan at sabay-sabay na anti-drug operation-ang Oplan Tokhang na ipinag-utos ni chief PNP Dir. Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Sa konsepto ng Oplan Tokhang, tinutulungan ng lokal na pamahalaan at ng mga barangay official ang mga pulis upang sadyain at bisitahin sa kanilang bahay ang mga taong sangkot sa droga. Ang mga ito’y pinakikiusapan para ihinto na ang kanilang iligal na gawain.
Sa ilalim ng Oplan Tokhang ay sumuko sa PNP ang 351 drug user at pusher na nangako at nakipagkasundo na kanilang ihihinto ang kanilang iligal na gawain. Ang ilan sa mga ito ay humingi ng tulong para maisa-ilalim sila sa rehabilitation.
Sinabi naman ni Taguig Mayor Lani Cayetano na buong-buo ang suporta ng kanyang administrasyon sa direktiba ni Pangulong Duterte na linisin ang bansa sa mga bawal na gamot sa lalong madaling panahon.
“Makaaasa kayo na ang lungsod ng Taguig ay magpapatuloy sa pagtulong hanggang sa makamit natin ang pangarap na tayo’y maging ganap na drug-free nation.” pahayag ni Mayor Lani.
Ang suporta ni Mayor Lani sa mga pulis ay nagresulta para magiba ang notoryus na Tinga Drug syndicate. Noong nakalipas na taon naaresto ng Taguig Police ang top 10 illegal drug personalities na nag-ooperate sa lungsod.
No comments: