Taguig naghahanda na sa hosting ng nationwide journalism competition

Nasa 5,000 mga campus journalist at kanilang mga adviser mula sa iba’t ibang lugar sa bansa ang magtitipun-tipon sa Taguig City para sa prestihiyosong National School Press Conference (NSPC) journalism competition.
Sinabi ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na ang host region ngayon ay ang National Capital Region at ang host schools division naman ay ang Taguig-Pateros para sa 5-day event mula April 06 hanggang 10 kaya’t ang lungsod ang magsisilbing pansamantalang tahanan ng mga kalahok sa kompetisyon na may temang “Empowering Resilient Communities through Campus Journalism”.
Magpapahusayan ang mga kalahok sa individual news writing contest, scriptwriting at radio broadcasting, collaborative publishing contest, magkakaroon din ng workshop para sa mga hindi contestant at mga school paper adviser, at ang nationwide photojournalism contest.
Nakatakdang lumahok sa opening at closing ceremony ang ilang respetadong media personality sa bansa.
Sa April 6, sasalubungin ang mga delegado sa Philippine Army Parade Ground para sa pormal na pagbubukas ng programa na susundan ng welcome dinner ni Mayor Lani para sa mga delegado.
Sa halip na sa mga hotel, tutuloy ang mga delegado sa tinaguriang “cool schools” ng Taguig.
Tinawag na cool schools ang mga eskwelahang ito dahil air-conditioned ang mga silid aralan.
“Amin nang inihanda ang mga lugar kung saan tutuloy ang mga kalahok at hanggang maaari ay gagawin naming komportable at kasiya-siya ang kanilang pananatili. Tiwala po kami na magagawa naming komportable ang kanilang mga tutuluyan dahil sa aming mga air-conditioned na silid-aralan,” pahayag ni Mayor Lani.
“Buong suporta po ang ibinibigay na suporta ng pamahalaang lungsod sa kumperensiyang ito. Amin pong pakikilusin ang mga city department upang matiyak ang kaligtasan at ang tagumpay ng sanlinggong event,” dagdag pa ng alkalde.
Sinabi ni Mayor Lani na magpapatupad ng round-the-clock police visibility sa limang-araw na event, gayundin ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga delegado sa opening at closing ceremony.
Itinuturing ang NSCP na pinaka prestihiyosong kompetisyon ng Department of Education na nilalahukan ng mga campus journalist mula sa pampubliko at pribadong paaralan sa elementarya at high school sa bansa.
Ang pagsasagawa ng kumperensiyang ito ay alinsunod sa Republic Act No. 7079 na kilala rin sa tawag na Campus Journalism Act of 1991.
Napakalaking tulong ang ipinagkakaloob ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig para maitaas ang kalidad ng sistema ng edukasyon sa lungsod. Noong nakalipas na taon, ang DepEd Taguig and Pateros ang nanguna sa mga school division na kabilang sa DepEd NCR Cluster 1 (Big division) sa 2014 National Achievement Test (NAT).
Ngayong taon, ang bilang ng mga nagtapos sa mga pampublikong paaralan sa Taguig ay halos umabot ng 20,000. Libre ang pagpapa-aral sa mga public school sa Taguig. Ang mga mag-aaral ay hindi na kailangang gumasta dahil libre ang uniporme, bag, at maging ang mga school supply. Kapag nakatapos ng high school, maaari silang makakuha sa iba’t ibang scholarship na ibinibigay ng pamahalaang lungsod. Maaari rin silang mag-enrol ng walang kailangang bayaran sa Taguig City University na nangunguna sa licensure examination para sa B.S. Criminology at B.S. Education.
No comments: