Edukasyon Ay Prayoridad Ngayong 2016, Makakatangap Ng P435.9B
Dahil sa prayoridad na binibigay ng Administrasyong Aquino para sa mga serbisyong panlipunan, pinanukala ng Department of Budget and Management (DBM) ang P435.9 bilyon budget para sa pagpapalakas ng pampublikong edukasyon.
Ito ay para mas mapalawak at masiguro ang pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa buong bansa.
Sa P1.11 trilyong pondo para sa mga serbisyong panlipunan, P435.9 bilyon ang ilalaan para sa Department of Education (DepEd), na mas malaki ng 15.4 poryento o P58.2 bilyon kumpara noong 2015. Kaya’t ang nasabing ahensiya ang may pinakamalaking bahagi ng budget kumpara sa ibang haligi ng pamahalaan ngayong 2016.
“Mahalaga ang papel na ginagampanan ng Pambansang Budget sa pagtugon sa mga kakulangan sa mga silid-aralan at guro, at sa pagpapalakas ng implementasyon ng K-12 Program. Ngayong 2016 Budget, mas mapapalawak pa po natin ang dekalidad na edukasyon sa lahat ng Pilipino. Layunin po naming mabigyan sila nito lalo na ang ating mga kababayang mahihirap,” sabi ni Kalihim Florencio “Butch” Abad ng DBM.
Maliban sa pagpopondo para sa K-12 Basic Education Reform Program at sa paglulunsad ng senior high school ngayong 2016, kalakip din sa pondong ito ang P82.3 bilyon para sa Basic Education Facilities Program, na naglalayong magpatayo ng 47,533 mga silid-aralan at technical-vocational laboratories.
Samantala, P16.9 bilyon ang ilalaan para sa paghirang ng 79,691 teaching and non-teaching personnel.
Maglalaan din ang DepEd ng P4.2 bilyon para sa 103.2 milyon mga bagong libro at instructional materials, at ng P21.2 bilyon para sa 1.81 milyon grantees ng tuition subsidy sa ilalim ng programang Government Assistance for Students and Teachers in Private Education (GASTPE).
“Habang dumadami ang bilang ng mga mag-aaral bawat taon, mas lalong kinakailangan nating mapalakas ang ating mga pampublikong paaralan. Sa pamamagitan ng pagpopondo ng mga proyekto at programang makapagbibigay ng positibong epekto sa ating mga mamamayan, masisiguro natin na ang paglago ng ating ekonomiya ay hindi lang para sa iilan kundi para rin sa lahat,” sabi ni Abad.
No comments: