National

[National][grids]

metro

[Metro][twocolumns]

Provincial

[Provincial][twocolumns]

international

[International][grids]

Business

[Business][bleft]

sports

[Sports][bsummary]

President Aquino signs the 2016 National Budget

221215_GN3-FS

Sa araw pong ito, nasaksihan natin ang isa na namang makasaysayang yugto sa ating bansa: ang pagsasabatas ng P3.002 trillion na Pambansang Budget para sa 2016. Sa pagtutulungan ng Ehekutibo, at ng Kongreso, at ng iba’t iba pang institusyon, panibagong rekord na naman ang ating nakamit. Ito po ang ikaanim na sunod na taon na naipasa ang Budget ng Bayan sa tamang oras. [Palakpakan] Ibig pong sabihin, mula nang maupo tayo hanggang sa huling yugto ng ating termino, hindi tayo sumablay sa pagpapasa ng ating budget on-time. Kaya naman sa lahat ng nanguna at nakibahagi sa pagbuo ng budget na ito, isang taos-pusong pasasalamat po sa inyong lahat.

Kung maaalala ninyo, nang umupo tayo sa puwesto, ginagamit na ang Pambansang Budget noong taong 2010, at minana lang din natin ang panukalang budget ng 2011. ‘Yun lang pong pinakamalaking pagkakamali ang puwede nating maitama sa 2011 budget. Isipin niyo: Sa P1.54 trillion na kabuuang panggugol sa buong taon ng 2010, nasa P100 bilyon, o 6.5 percent lang ang malaya nating gamitin sa nalalabing anim na buwan ng taon. Ang tanong nga po: Saan kaya napunta ang pera?

Sa ilalim ng ating sinundan, laging reenacted ang bahagi o kabuuan ng Pambansang Budget. Noong 2007, halimbawa, halos Abril na ito naaprubahan. Di po ba makatwiran na dahil na-reenact ang budget, tanggalin na rin sa budget ang pondo para sa mga buwan na nakalipas at nagastusan na? Pero ang masahol: Ang items na nagastusan na, gaya ng pasahod, Maintenance and other Operating Expenses, at iba pa sa nakalipas na tatlong buwan, ay nasa budget pa rin. Bakit po nandoon pa rin ang mga items na bayad na? Saan naman kaya napunta ang mga sobrang ipinagkaloob?

Itinigil po natin ang kalakarang ito. Tinanggal natin ang mga mekanismong pinadali ang pagsasamantala at pagwawaldas sa kaban ng bayan. Isinulong po natin ang tamang proseso. Alam din natin: Kapag late naipasa ang budget, nauudlot ang dating ng serbisyo, at napapatagal ang pagdurusa ng ating mga kababayan.

Ngayon, pinanday natin ang mekanismong sisiguro sa tapat at epektibong pagtupad sa target ng ating mga ahensiya. Ang sabi ko nga: Kung risonable ang panukalang budget ng Ehekutibo, magiging maayos ang diyalogo sa Kongreso, mabilis itong maipapasa, at agaran ding maihahatid ang benepisyo sa ating mga kababayan, ang ating mga Boss.

Malinaw ang hangad natin: Inclusive growth. Sa paglalaan ng makatwirang pondo sa ating mga ahensiya at programa, nabibigyan ng pagkakataon ang ating mga kababayang makasabay sa pag-angat ng ekonomiya. Isinusulong natin ang masusing konsultasyon upang taumbayan mismo ang magdisenyo ng mga proyektong kailangan nating pondohan.

Alam naman po natin, masusulit lang ang mga bumubukas na pagkakataon kung may sapat na kakayahan ang Pilipinong sagarin ang benepisyong dulot nito. Kaya patuloy ang pagbuhos natin ng pondo sa mga serbisyong panlipunan na nagbibigay-lakas sa ating mga Boss.

Sa susunod na taon, ang DepEd pa rin ang may pinakamataas na budget. Ang pondong inilaan dito: P436.5 billion. Matapos nga po nating punuan ang mga minana nating backlog sa silid-aralan, libro, upuan, at guro, tinutugunan na rin natin ang pangangailangan ng kinabukasan. Bahagi nito ang pagpapatayo ng 47,553 classrooms, pagbili ng 103.2 million bagong textbooks, at pag-hire ng 79,691 positions para sa teaching and non-teaching personnel.

Tuloy-tuloy din ang pagpapaarangkada natin sa ating Pantawid Pamilyang Pilipino Program, kung saan naglaan tayo ng P62.7 billion. Ang target nitong bigyang-ayuda sa susunod na taon: 4.6 million na kabahayang benepisyaryo, kabilang na ang mahigit 218,000 na pamilyang Pilipino na hindi naisama sa Listahanan 1 noong 2008-2009. Kasama nga po rito ang mahihirap na indigenous peoples at mga pamilya sa lansangan. Talaga naman pong wala tayong hinayang na magbuhos ng pondo sa ganitong mga programa, lalo pa’t ngayon pa lang, nakikita na natin ang positibong resulta nito. Ayon nga po sa inisyal na pag-aaral ng DSWD, 1.5 million na kabahayan o katumbas ng 7.5 million na Pilipino ang naiangat na lampas sa tinatawag na poverty line dahil sa Pantawid Pamilya.

Ang budget naman na ipinagkaloob natin sa Department of Public Works and Highways: P400.4 billion. Kabilang sa susuportahan nito ang pagtatapos ng lahat ng national roads at pagpapagawa ng flood control projects upang maibsan ang pinsalang dulot ng pagbaha. Kung ngayong taon nga po, nasa 4 percent ng ating GDP ang inilaan natin para sa imprastraktura, sa susunod naman pong taon, target nating ilaan ang 5 percent ng ating GDP sa sektor na ito.

Bilang paghahanda sa epekto ng climate change at pagtataguyod ng programang “Build Back Better,” naglaan po tayo ng P38.9 billion para sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund. Bahagi po nito ay ipagkakaloob sa ating programang pangrehabilitasyon, kabilang na ang Yolanda Comprehensive Rehabilitation and Recovery Plan. Nariyan din po ang pagpapatayo natin ng karagdagang evacuation centers at pagsusuri sa kalidad ng mga pampublikong gusali upang matiyak ang kaligtasan ng mga kababayan nating apektado ng sakuna.

Malinaw po: Ang buong budget gaya sa imprastraktura ay binubuo gamit ang masusing pag-aaral ng mga suliranin at ng kaakibat nitong wastong solusyon. Ang bawat ipinapatayong kalsada, tulay, daungan, paliparan, paaralan, farm-to-market roads, at iba pang imprastraktura sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay bahagi ng ating estratehiya tungo sa malawakang kaunlaran. Wala nga ho sigurong makakapagsabi, habang nakapatong ang kamay sa Bibliya, na pinabayaan natin ang kanilang siyudad o probinsiya.

Tunay po: Naglalaan tayo ng pondo sa kung saan may pangangailangan. Ang maganda: Naghahatid tayo ng agarang benepisyo nang walang kaakibat na pabigat sa Pilipino. Sa ating panunungkulan, wala tayong idinagdag na bagong buwis, maliban sa Sin Tax Reform.

Hindi nga po magiging posible ang pagdiriwang natin ngayon kung wala ang mga indibidwal at institusyong nagsikap na buuin ang Pambansang Budget sa 2016. Nagpapasalamat tayo, sa lahat ng bumubuo sa Department of Budget and Management, sa pangunguna ni Secretary Butch Abad. [Palakpakan] Masusi ninyong sinuri ang bawat pahina at detalye ng librong ito, at sinigurong walang mawawaldas ni isang kusing.

Nagpapasalamat din po tayo sa pakikiisa ng ating Kongreso—sa pamumuno nina Senate President Frank Drilon at House Speaker Sonny Belmonte; [palakpakan] Senate Finance Committee Chair Loren Legarda, ang butihing Vice Chair na si Cynthia Villar, House Appropriations Committee Chair Sid Ungab, at House Majority Floor Leader Boyet Gonzales [palakpakan]—para po sa ibinuhos ninyong panahon at dedikasyon upang maipasa ang Budget ng Bayan para sa 2016.

Higit sa lahat, maraming salamat sa ating mga Boss, sa patuloy ninyong pakikiambag sa mabuting pamamahala, tungo sa higit na pag-arangkada ng ating bansa. Hindi po nagbabago: Kayo ang gumawa at patuloy na gumagawa ng pagbabago.

Bahagi lang po ng transpormasyong nangyayari sa Daang Matuwid itong patuloy na pagsasabatas ng Pambansang Budget sa tamang oras at sa tuwid na mekanismo. Ngayong patapos na ang ating termino, binibigyan natin ng kapasidad ang susunod na administrasyon na ipagpatuloy at higit pang maisulong ang pagbabagong nangyayari sa ating lipunan. Nakasaad nga po sa mga pahina ng librong ito ang matino at maayos na detalye upang tugunan ang pangangailangan sa susunod na taon. Ang hangad po natin: Huwag nang ipasa sa iba ang minana nating problema.

Talaga naman pong napakalayo na ng ating narating kumpara sa ating dinatnan. Sa patuloy nating pagkakaisa, alam kong malayo pa ang kaya nating marating. Naipunla na ng ating administrasyon ang pundasyon ng ating reporma, at umaasa akong payayabungin ng mga susunod sa atin ang tinatamasa nating malawakang kaunlaran. Ang hamon at panawagan sa bawat isa: Ituloy natin ang pagtahak sa Daang Matuwid, ipaglaban natin ang tama at makatwiran, at buong-loob na mag-ambagan tungo sa kinabukasan kung saan walang maiiwan.

Magandang umaga po. Maraming salamat.

No comments:

entertainment

[Entertainment][grids]

lifestyle

[Lifestyle][bsummary]

food

[Food][twocolumns]

technology

[Technology][bsummary]